Ang lahat ng indibidwal na nagtatrabaho sa Croatia ay may parehong mga karapatan sa trabaho, kabilang ang mga manggagawa mula sa ibang bansa. Parami nang parami ang mga dayuhang manggagawa, pangunahin na ang mga third-country national, ang pumupunta sa amin na may mga reklamo ng mga paglabag sa kanilang mga karapatan sa trabaho.
Madalas nilang i-report na nagtrabaho sila nang walang permiso, walang pinirmahang kontrata sa pagtatrabaho, na hindi binayaran ng kanilang employer ang napagkasunduang sahod, minsan hindi binayaran kahit na ang pinakamababang pasahod o bayad sa overtime. Binanggit din nila ang pagkakait sa mga pahinga, araw-araw o lingguhang pahinga, pati na rin ang kanilang karapatan sa taunang leave. Ang ilan ay nagrereklamo na hindi nagbayad ang kanilang employer para sa hindi nagamit na taunang leave matapos ang terminasyon sa kanilang trabaho. Inireklamo rin nila na hindi sila binigyan ng kanilang employer ng salary statement, at sinumbong ng ilan ang mga insidente na nagdulot ng pinsala sa lugar ng trabaho na hindi ini-report ng employer sa Croatian Institute for Health Insurance. Ang ilan ay nakipag-ugnayan din sa amin tungkol sa pangha-harass sa lugar ng trabaho.
Ang mga reklamong ito ay nagpapakita rin na ang mga dayuhang manggagawa ay kadalasang kulang sa impormasyon tungkol sa kung saan pupunta para maprotektahan ang kanilang mga karapatan. Kaya, sa natitirang bahagi ng babasahing ito, nagbibigay kami ng pangkalahatang-ideya ng pinakakaraniwang isyu at pangkalahatang legal na impormasyon na madalas naming ibigay sa mga dayuhang manggagawa, kabilang ang impormasyon sa pakikipag-ugnayan sa mga institusyong dapat lapitan. Ang impormasyong ito ay para sa lahat ng indibidwal na nagtatrabaho sa Croatia, anuman ang nasyonalidad, pero sa impormasyong ito, binibigyang-diin namin ang mga dayuhang manggagawa, third-country national, para sa ilang kadahilanan: ang pagtaas ng bilang ng mga dayuhang manggagawa sa Croatia, ang dumaraming bilang ng mga reklamong natatanggap namin na isinumite ng mga dayuhang manggagawa, ang kanilang kakulangan ng impormasyon tungkol sa kanilang mga karapatan sa pagtatrabaho, at ang kakulangan ng nararapat na impormasyon sa pampublikong dako.
Problema:
- Hindi ini-report na trabaho (trabaho nang walang permiso, trabaho nang walang kontrata, pagtatrabaho nang hindi ini-report para sa pensiyon at health insurance)
- Pagtatrabaho nang walang pahinga, araw-araw o lingguhang pahinga
- Ilegal at hindi binayarang overtime sa trabaho
- Hindi pagbibigay ng sahod
- Hindi pagbibigay ng kabayaran para sa hindi nagamit na taunang leave matapos ang terminasyon sa trabaho
- Bigong magbigay ng salary statement para sa inutang at hindi nabayarang sahod at/o kabayaran para sa hindi nagamit na taunang leave
Ano ang magagawa mo? Ang mga isyung ito ay dapat i-report sa State Inspectorate ng Republic of Croatia.
Paano mag-report? Gamitin ang form na nasa website ng State Inspectorate. Ang form ay available dito.
Para sa karagdagang impormasyon kung paano maghain ng report, pwede mong kontakin ang labor inspector na naka-duty sa Zagreb, Split, Rijeka, Osijek, o Varaždin. Pwede mong makita ang kanilang impormasyon ng kontak at mga oras ng trabaho dito.
Ano ang isasama sa report:
- Ang iyong pangalan at apelyido
- Adres ng tirahan
- Nasyonalidad (kung ikaw ay dayuhang manggagawa)
- Impormasyon ng employer (pangalan at adres ng kumpanya o pangalan at apelyido ng indibidwal na employer o may-ari ng negosyo)
- Lahat ng mahalagang impormasyon at pangyayari sa panahon ng iyong pagtatrabaho sa employer
- Kung posible, i-attach ang kontrata sa trabaho (kung mayroon ka).
Pananatilihin bang kumpidensyal ng State Inspectorate ang pagkakakilanlan ng mga nagre-report na indibidwal? Ayon sa Batas ng State Inspectorate, ang mga inspektor ay may obligasyon na panatilihing kumpidensyal ang pagkakakilanlan ng mga nagpetisyon (mga nag-report), “maliban kung ito ay imposibleng gawin o itinakda ng isang espesyal na batas.” Posible rin ang mga pag-report nang hindi nagpapakilala.
Ipapaalam ba sa iyo ang tungkol sa ginawa ng State Inspectorate tungkol sa iyong report? Kung gusto mong makatanggap ng impormasyon tungkol sa kung ano ang natukoy ng State Inspectorate at kung anong mga hakbang ang ginawa nito laban sa employer, kailangan mong ibigay sa labor inspector ang iyong pangalan at apelyido, ang adres ng iyong tirahan sa Croatia o sa ibang bansa (kung umalis ng Croatia ang dayuhang manggagawa).
Kailangan ba na ang manggagawa ang mag-report sa employer, o pwede bang gawin ito ng iba? Hindi, ang report ay pwedeng isumite ng sinumang hindi nagtatrabaho sa inirereklamong employer kung naniniwala sila na hindi tinatrato ng employer ang kanilang mga empleyado nang alinsunod sa batas.
Problema: Naniniwala ka na inalis ka ng iyong employer sa pagkakarehistro (mula sa pensiyon at health insurance) nang hindi mo nalalaman.
Ano ang magagawa mo? Para alamin kung inalis ka sa pagkakarehistro ng iyong employer nang hindi ipinapaalam sa iyo o magbigay ng nauugnay na form, pwede mong kontakin ang pinakamalapit na tanggapan ng Croatian Institute for Pension Insurance (HZZO).
Paano mo sila makokontak?
- Sa pamamagitan ng pagsagot sa online form, na available dito.
- Sa pamamagitan ng telepono o sa personal – pwede mong makita ang numero at adres dito, sa pamamagitan ng paghahanap ayon sa mga lungsod (nakalista rin ang mga oras ng pagtatrabaho para sa lungsod na iyong hinahanap).
Paano kung talagang inalis ka sa pagkakarehistro ng iyong employer nang hindi mo nalalaman? Pwede mo silang i-report sa State Inspectorate (sa parehong paraan gaya ng inilarawan sa itaas).
Problema: Hindi pagbibigay ng sahod.
Ano ang magagawa mo? Kung ikaw ay may sahod na hindi mo natanggap, pwede kang humiling na mabayaran sa pamamagitan ng Financial Agency (FINA) kung mayroon kang kalkulasyon ng dapat o di-nabayarang sahod. Obligado ang iyong employer na ibigay sa iyo ang kalkulasyong ito.
Pagkatapos ay pwede mong ipadala ang kalkulasyong ito sa FINA para malutas ang isyu nang hindi dumadaan sa isang paglilitis sa korte. Posible ito dahil sa ilalim ng Art. 93 tala. 5 ng Batas sa Paggawa, ang isang kalkulasyon ng dapat o di-nabayarang sahod ay isang dokumentong dapat ibigay.
Bilang karagdagan, pwede mong i-report ang iyong employer sa State Inspectorate (sa parehong paraan gaya ng inilarawan sa itaas).
Paano kung hindi ibigay ng iyong employer ang kalkulasyon ng sahod o hindi ito binayaran kahit pagkatapos ng isang inspeksyon? Sa kasong iyon, pwede kang magsimula ng mga paglilitis sa korte, kung saan malamang na mangangailangan ka ng legal na tulong mula sa isang abogado o isang unyon ng manggagawa (kung ikaw ay isang miyembro). Ang impormasyon kung sino ang karapat-dapat sa libreng legal na tulong at paano ito makukuha ay makikita dito.
Gaano katagal mo kailangang i-claim ang iyong sahod na hindi binayaran? Magagawa mo ito sa loob ng limang taon, simula sa araw na obligado ang iyong employer na bayaran ang sahod.
Problema: Pagbabayad ng sahod o bahagi ng sahod “nang pasikreto,” sa halip na sa bank account ng manggagawa.
Ano ang magagawa mo? Ang paraang ito sa pagbabayad ng sahod ay ilegal, at pwede mong i-report ang iyong employer sa Tax Admonistration ng Ministry of Finance.
Paano mag-report? Pwede mo itong i-report:
- Sa pamamagitan ng koreo sa isa sa mga adres sa page na ito, depende sa lungsod o sa pinakamalapit.
- Gamit ang form na available dito
- Sa pamamagitan ng pagtawag sa numerong toll-free na 0800 1001 (Lunes hanggang Biyernes sa pagitan ng 8 am at 3 pm).
Ipapaalam ba sa iyo ng Tax Administration kung paano sila kumilos sa iyong report? Hindi, hindi obligado ang mga inspektor ng buwis na ipaalam sa iyo dahil legal silang inaatasan na panatilihin ang pagiging lihim ng buwis patungkol sa mga pag-audit sa buwis (alinsunod sa General Tax Law, Art. 8).
Problema: Mga aksidenteng nagdulot ng pinsala sa lugar ng trabaho na hindi ini-report ng employer sa Croatian Institute for Health Insurance (HZZO).
Ano ang magagawa mo? Sa mga kaso kung saan ang isang manggagawa ay nagkaroon ng pinsala sa lugar ng trabaho, ang employer ay may legal na obligasyon na i-report ang pinsala sa lugar ng trabaho sa karampatang awtoridad, ibig sabihin, sa Croatian Institute for Health Insurance (HZZO), sa loob ng 8 araw mula sa petsa ng pangyayari ng pinsala.
Ang isang manggagawa, kabilang ang isang dayuhang manggagawa, ay maaari ding mag-report nito mismo, ngunit hindi lalampas sa loob ng tatlong taon mula sa pag-expire ng deadline kung saan dapat ginawa ito ng employer. Kung sa tingin mo na ito ay kinakailangan, bago mo i-report ang pinsala sa lugar ng trabaho, pwede kang makakuha ng mas maraming impormasyon mula sa pinakamalapit na tanggapan ng HZZO.
Problema: Pangha-harass (panagtulungang saktan) sa lugar ng trabaho
Paano makilala ang nang-harass(mga nanakit)? Bagama’t walang legal na kahulugan ng pangha-harass ( panagtulungang saktan) sa lugar ng trabaho, ito ay karaniwang nauunawaan bilang anumang anyo ng karahasan sa lugar ng trabaho na nailalarawan sa pamamagitan ng mental o moral na pang-aabuso.
Pwedeng kabilang dito ang iba’t ibang anyo ng pag-iwas, paghihiwalay, at pag-iwas sa pakikipag-ugnayan sa trabaho, paninira ng reputasyon ng isang tao, o mga negatibong komento tungkol sa mga personal na katangian ng biktima.
Kabilang sa mga halimbawa ang patuloy na pagpuna at mga reklamo tungkol sa trabaho ng isang tao, mga insulto o hindi pagpansin, labis na kontrol, paglilipat ng mga responsibilidad, parusa, mababang rating sa trabaho, kawalan ng kakayahang sumulong, pagtanggi o pagtatalaga ng hindi naaangkop at/o ipinagbabawal na mga gawain sa trabaho, mga hindi makatwirang paglipat, at mga katulad na aksyon na nakakapinsala sa kalusugan ng mga manggagawa o lumalabag sa kanilang mga karapatan.
Kanino ire-report? Ang unang hakbang ay harapin ang employer, partikular ang taong awtorisadong tumanggap at lumutas ng mga reklamo tungkol sa dignidad ng mga manggagawa. Kung ang employer ay hindi nagbibigay ng naaangkop na proteksyon o gumawa ng mga hakbang para maiwasan ang pambu-bully sa lugar ng trabaho, o kung ang mga hakbang na iyon ay hindi sapat, maaari kang humingi ng karagdagang proteksyon ng iyong dignidad sa mga paglilitis sa korte. Malamang na kakailanganin mo ng legal na tulong mula sa isang abogado o sa unyon (kung ikaw ay isang miyembro) para dito. Pwede mong makita ang impormasyon tungkol sa libreng legal na tulong dito. Sa mga paglilitis sa korte na ito, maaari ka ring humingi ng kabayaran para nonpecuniary damage (danyos sa mga bagay na walang eksaktong halaga) dahil sa paglabag sa mga karapatan ng personalidad na dulot ng pambu-bully sa lugar ng trabaho.
Higit pa rito, nagpapatuloy man ang iyong trabaho o pansamantalang natapos, posibleng magsampa ng kriminal na reklamo sa pinakamalapit na istasyon ng pulisya laban sa taong gumawa o gumagawa ng ganoon sa iyo. Ang mga insulto, kahihiyan, at pag-abuso na nakakapinsala sa kalusugan ng isang tao o lumalabag sa kanilang mga karapatan na may kaugnayan sa trabaho ay maaaring maging kriminal na pagkakasala ng “pang-aabuso sa lugar ng trabaho” sa ilalim ng Artikulo 133 ng Criminal Code ng Republic of Croatia. Depende sa mga pangyayari ng bawat kaso, matutukoy kung natugunan ang mga kriminal na elementong ito.
Sa huli, pwede mo ring kontakin ang Association for Assistance and Education of Mobbing Victims sa Zagreb, Domobranska 4 (email: udruga.mobing@zg.t-com.hr; telepono: 01/3907 301). Sa asosasyon, pwede kang makakuha ng mas maraming impormasyon tungkol sa mga available na opsyon na magagamit ng mga biktima ng pambu-bully sa lugar ng trabaho, kapwa sa legal na paraan at sa potensyal na suportang pangmental na kalusugan.
Problema: Diskriminasyon
Paano makikilala ang diskriminasyon? Pwedeng mangyari ang diskriminasyon kung ang iyong employer o mga kasamahan sa lugar ng trabaho, o ibang tao sa labas ng trabaho, ay naglalagay sa iyo sa isang hindi magandang posisyon kumpara sa ibang mga empleyado dahil sa iyong: lahi o etnikong pinagmulan, kulay ng balat, relihiyon, wika, bansa o panlipunang pinagmulan, pagiging miyembro ng isang unyon, katayuan sa ari-arian, edukasyon, pampulitika o iba pang paniniwala, katayuan sa lipunan, edad, katayuan sa kalusugan o genetic heritage, kapansanan, pagkakakilanlan at pagpapahayag ng kasarian, sekswal na oryentasyon, kasarian, at katayuan hinggil sa kasal o pamilya.
Ang mga katangiang ito ay tinatawag na mga batayan ng diskriminasyon at kinokontrol ng Anti-Discrimination Act.
Kanino ire-report ang diskriminasyon? Depende ito sa batayan ng diskriminasyon na humantong sa paglalagay sa isang hindi magandang posisyon.
Pwede kang magpadala ng reklamo sa Ombudswoman kung ang diskriminasyon ay batay sa karamihan ng mga nabanggit na batayan. Pagdating sa mga batayan ng kapansanan, kasarian, pagkakakilanlan at pagpapahayag ng kasarian, sekswal na oryentasyon, katayuan hinggil sa kasal o pamilya, pwede kang magpadala ng reklamo sa isa sa mga dalubhasang Ombudsperson (gaya ng ipinaliwanag sa ibaba).
Pwede mong ipadala sa amin ang reklamo:
- sa pamamagitan ng koreo (Savska cesta 41/3, 10 000 Zagreb)
- sa pamamagitan ng email sa info@ombudsman.hr
- gamit ang form na pwedeng buksan sa PDF at Word na mga format
- nang personal (na may paunang abiso at appointment) sa aming mga tanggapan sa Zagreb, Rijeka, Osijek, o Split – humiling ng isang appointment sa pamamagitan ng info@ombudsman.hro sa pamamagitan ng pagtawag sa 01 4851 855 (Zagreb), 051 563 786 (Rijeka), 031 628 054 (Osijek), o 021 682 981 (Split).
Sa reklamo, dapat mong ibigay ang:
- pangalan at apelyido ng nagrereklamo at/o ang tao na ang mga karapatan ay nalabag
- adres ng tirahan o adres para sa pagtanggap ng tugon
- mga pangyayari at impormasyon kung saan nakabatay ang reklamo (kabilang ang mahalagang dokumentasyon kung posible)
- impormasyon tungkol sa kung sino ang gumagawa ng diskriminasyon
- impormasyon tungkol sa kung nagamit ba ang mga legal na remedyo at kung kailan inihain ang mga ito
- lagda ng nagrereklamo o nilagdaang pahintulot ng tao na sa ngalan niya ang reklamo ay isinusumite.
Kung ang diskriminasyon ay batay sa kapansanan, pwede kang magpadala ng reklamo sa Ombudswoman for the Persons with Disabilities, gamit ang mga tagubilin sa page na ito.
Kung ang diskriminasyon ay batay sa kasarian, pagkakakilanlan at pagpapahayag ng kasarian, sekswal na oryentasyon, katayuan hinggil sa kasal o pamilya, pwede kang magpadala ng reklamo sa Ombudswoman for Gender Equality, gamit ang mga kontak sa page na ito.
Sa alinman sa mga kasong ito, pwede mo ring:
- Alamin kung ikaw ay kwalipikado para sa libreng legal na tulong
- kumunsulta sa isang abogadong napili mo
- humingi ng legal na pagkukunan ng tulong sa pamamagitan ng mga korte.
Mga Rekomendasyon ng Ombudswoman na naglalayong palakasin ang mga karapatan ng mga manggagawa (mula sa Taunang Report ng Ombudswoman noong 2022, na isinumite sa Croatian Parliament):
- Sa Office for Human Rights at Rights of National Minorities, para ipaalam sa mga dayuhang manggagawa ang tungkol sa kanilang mga karapatan sa iba’t ibang sistema ng pagbigay proteksyon ng karapatan sa kanilang website, gayundin sa pamamagitan ng mga brochure, leaflet, at mga kahalintulad na paraan
- Sa State Inspectorate, para paigtingin ang pag-monitor sa legalidad ng trabaho at mga kondisyon sa trabaho, gayundin ang mga kondisyon kung saan nagtatrabaho ang mga third-country national.
Novosti
- Sastanak Mreže neovisnih institucija nadležnih za pritužbe na policiju
- Rasprava o važnosti antikorupcijskih politika
- Direktiva EU o održivom poslovanju – uloga poslovne zajednice u zaštiti ljudskih prava i okoliša
- Međunarodni dan borbe protiv siromaštva i socijalne isključenosti
- Javni natječaj za prijam u državnu službu na neodređeno vrijeme u Ured pučke pravobraniteljice
- Novi slučaj osuđivanog liječnika: Pravobraniteljica ponovila preporuke Ministarstvu zdravstva